Oct 08 2008
Who Moved My Cheese ni Dr. Spencer Johnson (A Fili3 Essay)
Jonathan Vincent Tan AB-MC2 Irreg
Who Moved My Cheese ni Dr. Spencer Johnson
Ang karanasang pantao na nakapaloob sa nobelang ito ay kung paano mo mabibitawan ang nakaraan at harapin ang nangyayari ngayon at maging sa kinabukasan. Hindi kasi makabuluhan kung mananatili sa nakaraan dahil ang nakaraan ay nakaraan na at hindi na ito mauulit muli. Mas mabuti pang alalahanin mo ang kinabukasan kaysa mananatili sa nakaraan.
Ang kahalagahan nito sa pangyayari sa ating lipunan ay dapat matuto tayong bitiwan ang pagkakamali natin noon at maging gabay ito sa ating tinatahak sa kasalukuyan gayun din sa kinabukasan. Malaking papel ang ginagampanan ng nakaraan sa ating buhay. Kahit ito ay nakaraan na, hindi natin mapagkaila na kahit sa konting bahagi lamang ng ating buhay, magiging gabay ito sa kasalukuyan. Isang halimbawa nito ay ang gobyerno ng Pilipinas. Alam naman natin na ang gobyerno ng Pilipinas ay “palpak”. Ngunit, hindi alam ng taong-bayan na ginagawa na ng gobyerno ang lahat para maibigay nilang ang hiling ng taong-bayan. Hindi namang lahat ng kailangan ng taong bayan ay natutugunan ng gobyerno. Pinipilit parin nila na “palpak” at “kurakot” ang gobyerno. Kung sila ang ilagay sa pwesto ng mga nasa gobyerno, matutugunan ba nila lahat ng kailangan ng tao? Isa ako sa mga taong gustong patalsikin ang ating presidente ngunit matapos kung basahin ang nobela, nagkaroon ako ng ideya na kahit ganito ang gobyerno, ginagawa naman nila ang lahat ng makakaya nila. Tao lamang sila at hindi sila mga makina. May nararamdaman sila, di gaya ng makina na wala.
Gaya ng sinabi ko, ang nobelang ito ay maaring instrumento upang mabago o mapaunlad ang pananaw ng mga tao tungkol sa ating lipunan. Isa na rito ang pagbitiw sa nakaraan at isa alang-alang na ang nakaraan ay nangyari na at pwede ito maging gabay para sa kasalukuyan at sa kinabukasan. Kung mananatili ang taong-bayan na ganito, maari ko silang ihambing kay Hem. Si Hem kasi sa nobela ay ayaw bitiwan ang nakaraan. Nung nawala ang keso sa Istasyon C, hindi niya inintindi na marami pang keso sa ibang istasyon. Hindi siya makapaniwala na ang keso sa istasyon C ay nawala ng parang bula. Muntik na niyang damayin si Haw pero buti nalang si Haw at naisipan niyang bitiwan ang nakaraan.
Mapapahalagahan ko ang kaisipan na nakapaloob sa nobela sa pamamagitan ng paggamit nito sa pang-araw-araw ko na gawain. Isang malaking aral ang nakita ko sa nobelang ito. Hindi lahat ng bagay ay sadyang ganyan lamang. Kahit masakit tanggapin ang pagbabago, kailangan nating gawin ang pagtanggap dahil nakakabuti naman ito sa panahong darating. Hindi natin alam, ang pagtanggap natin sa pagbabago ay magiging tulay sa ating kinabukasan.
Ang kaisipan na nakintal sa aking isipan ay ang pagbabago. Dapat nga nating tanggapin ang pagbabago. Masakit man sa loob natin o hindi, kelangan talaga nating tanggapin. Isa-walang bahala ang pagiging duwag dahil kung magpapadala ka sa pagiging duwag mo, maari kang kulungin ng iyong pagkaduwag at hindi mo na maabot ang iyong pangarap. Naalala ko ‘yung sinabi sa akin ng aking barkada na lahat ng bagay ay may “first time”. Kung nagkamali ka sa umpisa, tanggapin mo nalang at gamitin mo ito sa kinabukasan. Parang gabay mo ito. Kung mapupunta ka na naman sa ganoong sitwasyon, alam mo na ang dapat mong gawin.
Ang mga simbolismo na nakapaloob sa nobelang ito ay ang mga karakter ng nobela mismo. Sina Scurry, Sniff, Haw at Hem. Si Scurry sa kasalukuyan ay ang mga taong gustong tapusin ang dapat matapos. Ito ang mga taong mahilig magtrabaho. Si Sniff naman ay ang mga taong naamoy ang kamalian sa kanilang kapaligiran. Handa nilang tanggapin ang pagbabago. Si Haw naman ay ang mga taong kahit masakit tanggapin ang pagbabago, nagagawa rin nilang tanggapin. Hindi sila nanatili sa nakaraan dahil nalalaman nila na wala silang magagawa kung mananatili sila sa nakaraan. Si Hem ay ang mga taong nakakulong sa nakaraan. Hindi nila iniisip na marami pang oportunidad na maaring makuha sa hinaharap ngunit nananatili parin sila sa nakaraan. Masakit para sa kanila ang pagbabago. Kahit anong gawin mo, mananatili at mananatili parin sila sa nakaraan.
Makabuluhan talaga ang nobela dahil nakintal ako sa nobelang ito. Hindi ko akalain na ang nobelang ito ang makapagbabago sa akin. Dati kasi, nakulong ako sa nakaraan. Mahirap sa akin ang tanggapin na wala na ang lahat, isang malaking pagbabago ang nangyari. Ngunit dahil dito, nalaman ko na wala pala akong makukuha kung mananatili ako sa nakaraan. Dapat nga talagang tanggapin ang pagbabago. Kailangan ko talagang tahakin ang aking keso. Dapat ko talagang makamit ang gusto kong makamit. Hindi dapat ako mapapakulong sa aking nakaraan.
No Related Post







